[Isang araw ay nagpatawag ng pulong si Utak sa kanyang mga nasasakupang lamang-loob.]
Puso: Ah, bosstsip, hindi raw muna ho makakasama si Atay, may hang-ober pa daw ho kasi.
Bato: Hay nako! Ano nanaman ba ang problema mo, Puso, at dinamay mo nanaman si Atay? Alam mo namang bugbog sarado ‘yun sa tuwing nagkakaron ka ng isyu sa sarili mo. Ako nananaman ang mapuputukan ni Boss Utak ‘pag nagkataon!
Sikmura: Naku, Bato, hindi si Puso ang may kasalanan. Medyo ako ang problemado nitong nakakaraan. Lately kasi pare, I feel so empty. ‘Yung para bang, hindi ko na makita ang sense ng existence ko. Parang wala na akong pakinabang sa mundo. Naramdaman mo na ba ‘yun, Bato? ‘Yung araw-araw na lang, hungkag ka?
Puso: I feel you, pare.
Baga: Mawalang-galang na sa inyo, Sikmura at Puso. Pero dahil ba tumaympers muna si Atay eh ako muna ang bubugbugin niyo?
Sikmura: Hoy, Baga. Wala akong kinalaman sa pambubugbog sa’yo, pramis! Nalulungkot lang nitong nakakaraan si Puso, saka medyo busy kasi si Bosstsip Utak, kaya medyo napa-obertaym ka.
Bato: Ano ka ba Sikmura! Andyan lang si Boss Utak o! Hinay-hinay ka naman sa mga sinasabi mo!
Sikmura: Hindi, Bato. Siguro, panahon na rin para malaman niyang si Utak ang katotohanan. Utak! Medyo hindi naman yata tama na ikaw na lang ang palaging busog, samantalang kami dito, kung hindi nagugutom, eh napapa-obertaym dahil sa kung anu-anong hinahayaan mong ipasok sa amin! Alam namin na hindi ka pwedeng magutom dahil ikaw ang nagpapatakbo sa aming lahat, pero baka naman pwedeng isipin mo rin kami paminsan-minsan!
[Dumating na pasuray-suray si Atay.]
Atay: Hey’yall! Wazzhuuup?! *hic*
Utak: Atay, maupo ka muna.
Sikmura: Hindi, Atay, tumayo ka! Tignan mo ang nangyayari sa mga nasasakupan mong lamang loob dahil sa kawalan mo ng pakialam!
Utak: Sikmura, hindi mo naiintindihan.
Sikmura: Ang ano, Utak? Na dahil sa kapabayaan mong alagaan ako at si Puso ay unti-unti nang nawawasak si Atay?
Bato: Teka, Sikmura. Hindi ba’t ikaw ang may kagagawan kung bakit ganyan ngayon si Atay?
Sikmura: Hindi! Noong nakaraang linggo pa nang huling magkita kami ni Atay. Ang totoo nyan, pinagpahinga ko nga muna sya para makabawi, dahil maya’t-maya rin siyang kinakarag ni Puso sa kung saan-saan.
Atay: Bossssh, shame thaaym laturzzzz?
[Sa puntong ito ay nagulat ang lahat.]
Sikmura: Anong kabalbalan ito? Huwag mong sabihing ginagamit mo rin si Atay para tumakas sa mga responsibilidad mo, Utak?!
Utak: Sinabi ko naman sa iyo, Sikmura. Hindi mo naiintindihan. Hindi si Puso ang kasama ni Atay sa tuwing uuwi siyang pagod na pagod. Ang kasama niya ay… ako!
[Napatigil ang lahat.]
Utak: Mahirap ang trabaho ko. Alam kong marami akong napapabayaan sa inyo. Alam kong —
[Binaril ni Puso si Utak.]
[Itutuloy.]