Ate, pa-order pong proxy, ‘yung super.

Minsan gusto kong isipin na simple lang naman ang mga gusto ko sa buhay. Makakain ng tatlong beses sa isang araw, makatulog ng hindi bababa sa walong oras, makapagbasa ng mga interesanteng libro. Ang nakakainis lang, kung ano pa ang simple, ‘yun pa ang imposible.

Hindi nga ba nakakatawang kapraningan ang kumain ng basurang ipinrito ng Jollibee dahil imbes na magluto ay gagawin mo pa ang pangalawa mong trabaho sa gabi hanggang mag-umaga, para magkaroon ka ng pambili ng mga librong wala ka rin namang pagkakataong basahin?

Badtrip.

Advertisements
Nai-post sa "Pag nagka-pera ako" moments, Dunong, Tunay na Buhay at iba pang shit | Tagged , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Pagbabalik sa pagsablay

Nakalimutan ko na yatang humawak ng panulat (maski sa totoong buhay eh wala naman talaga akong panulat dahil digital age na daw at ang pagsusulat ay kasing-kahulugan na rin ng pagpindot-pindot sa mga makina habang nakatulala sa isang aandap-andap na linya). Sa mga nagdaang buwan, sadyang marami lang talaga akong nakalimutan.

Nakalimutan ko nang tumingin sa mundo nang walang salamin sa mata. Alam kong malabo talaga ang buhay, pero ewan ko ba kung bakit parang makating pwet ang utak ko nitong nakakaraan sa paghahanap ng kaliwanagan. Habang palapit nang palapit ang mga bagay na hindi ko maaninag, padalas naman nang padalas ang pag-iwas ko ng tingin.

Nakalimutan ko nang makinig ang musika ng ingay. Hindi ko alam kung bakit iniwan ko ang Bulacan at piniling manirahan sa masalimuot syudad, pero hindi ko rin naman maintindihan kung bakit ayaw ko nang bumalik doon. Malakas ang boses ng nakikipagkwentuhang mga jeep, traysikel, taxi, bus, eroplano, bangka, barko. Alam nilang hindi ko alam kung saan ako papunta, pero nagbabakasakali pa rin silang makinig ako sa musika ng mahabang byahe.

Nakalimutan ko nang makipagkwentuhan sa gabi. Kaibigan ko noon ang dilim. Takot na ako sa kanya ngayon. Siguro ay dahil na rin sa pagdami ng mga multong hindi pa rin mapayapa maski ng haplos ng mga bituin.

Kung tutuusin, dapat ay may pinatunguhan ako mula sa ilang buwang pagsabay sa agos. Ang kaso, mukhang hindi sanay ang dagat sa mga palutang-lutang lang.

Sige, susubukan kong kumampay.

Nai-post sa Sumasakabilang Dimensyon | Mag-iwan ng puna

Langoy lang ng langoy

Hello pans. Alam kong sabik na kayo sa mga kwento tungkol sa aking bagong trabaho. Ako rin eksayted magkwento. Para sa mga tinatamad magbasa, mabibili ang DVD version ng pagsasadula sa blog entry na ito sa mga suking tindahan (Murang mura lang, buy one take one pa. Blue ray copy na, with additional features pa tulad ng Chinese/German subtitles at mga taong tumitili/tumatawa/nagkukwentuhan sa background).

Day 1

Pinapunta ako sa laboratoryo ng ala-una ng hapon. Nakarating ako sa unibersidad, ala-una impunto. Bumalik na lang daw ako ng alas-tres.

Naghahalo na sa digestive system ko ang kaba, wonder, lagkit ng pawis-Maynila, at gutom dahil maaga akong nag-almusal para makaluwas on time. Napagtanto kong masyadong matagal ang dalawang oras para magmuni-muni kaya’t minabuti kong makipagkita sa isang kaibigan. Abala siya sa thesis noon (siya ay engineering student) at ako naman ay may pending na pagharap sa mga future boss, kaya napagdesisyunan naming mahusay na ideya ang uminom ng alak habang nagpapalipas ng oras. Orayt.

Three bottles of Red Horse later, bumalik siyang gumugulong sa Engineering building, at ako naman, sa abandonadong kalye ng Lakandula. Muling naghalo ang kaba, wonder, lagkit ng pawis-Maynila, at gutom sa aking digestive system, na mas pinasarap ng fortified nutrients of beer.

Pumasok ako sa laboratoryo. Tahimik, mukhang abandonado. Either that, o may nagaganap na seremonyas sa pag-aalay ng kaluluwa sa mga masasamang elemento doon sa basement. May isang kuya na nagpapasok sakin sa kwarto. Hinintay ko ang pagbagsak ng mga patay na katawan ng tao, pero sinalubong ako ng isang busog na busog na “WELCOME!!!”

Accomodating ang lahat. Inilibot ako ni project mate, ipinakilala sa mga repa, binilinan ng mga dapat gawin, pinabalik kinabukasan. Waw, employed na ako.

Day 2

Malumanay akong bumangon kahit alas-syete pa lang ng umaga. Nag-almusal, minura ang masikip na pantalon, bumyahe sa EDSA.

Maraming perks sa lab. Maraming libre. Unlimited internet connection para sa uninterrupted porn streaming, air conditioning para sa mas epektibong pag-incubate ng tuberculosis bacteria sa baga, at bumabahang pagkain para sa wagas na pagsira ng 2012 diet. Pwedeng-pwede rin mag tune in sa latest showbiz chikka c/o labmates.

Day 3-4

Bongga ang weekend. Pero dahil sikreto ang mga kaganapan, I will not tell (Salvador, 2012). Hulaan mo na lang kung ano ang ginawa namin. Nasa choices ang pag-engineer ng specialized nuclear bomb na pang annihilate ng mga government officials na may tinatagong yaman and/or Swiss bank account, ang pag-culture ng bacteria na pang-chemical warfare sa mga aagaw sa Spratlys, at pagsagawa ng fora analyzing PNoy’s love life.

Day 5

May hang-ober ang lahat sa boyband fever. May unlimited playback sa kanya-kanyang subconscious ang hits ng A1, Backstreet Boys, at Westlife habang pinipilit unawain ang mga scientific journals na kaharap.

Day 6

Na-stress ang brain cells ko sa pagpa-plano ng methodology at pagde-design ng experiment. Na-scrap ang lahat matapos i-meet ni Boss. Nanlibre naman ng dinner si Sir pagkatapos ng project meeting. Masarap ang Shrimp Pasta Aligue sa Chocolate Kiss.

Day 9

May dumating na VIP sa laboratoryo, “Mother Goose” daw ang kanyang pangalan. Hinahanap niya si Boss. May pasalubong siyang mainit na buko pie. After ten minutes, naging assembly line ng printing press ang laboratoryo. Napag-alaman kong “commanding” talaga ang presensya ni “Mother Goose”. Ibinigay namin sa kabilang laboratoryo ang kalahati ng buko pie ni “Mother Goose” dahil ito ay isang alaala ng malagim niyang pagbisita.

Matapos ng pa-birthday lunch ni Ate labmate ay nagshopping kami for diving gear c/o DOST. Nahiya yung body fats ko sa fit na fit na Rash Guard. Napawi naman ang masalimuot na kaisipan ng mag-laser tag with labmates.

***

Ang yabang lang ng mga kwento ko, pero sa totoo lang unti-unting nasusunog ang aking brain cells every day sa pakikibaka sa siyensya. Matagal naging sedentary ang thinking faculties ko kaya todo ang pagrereklamo nila sa work out na nagaganap.

Malawak pa ang mga dagat na dapat marating, tirik ang araw, at naghihintay ang mga alon.

Nai-post sa Tunay na Buhay at iba pang shit | Tagged , , , , , , , , , | 6 mga puna

Henry Sy, may lab letter ako para sa’yo.

Kung mabibisita ka sa Baguio City one of these days, paki-contact mo lang ako at nang mai-tour kita sa Irisan Dumpsite. At nang makita mo naman ‘yung bundok ng kalintikan na dinulot nung tinayo mong mall dito sa mahal naming lungsod. Sagot ko na pamasahe mo sa jeep, bawal kang mag-helicopter. Kailangan land travel para ma-feel mo ‘yung ambiance. Magsuot ka nga pala ng protective clothes, marami kasing uwak doon. Baka hindi ko sila mapigilan kapag tinuka nila ‘yung ano mo.

Balita ko ang latest project mo ay ipa-bulldozer ‘yung mga puno namin dito para i-expand ‘yung mall mo. Siraulo din kasi yung mga taga DENR at City Government, binigyan ka ng permit. Pero ‘wag kang mag-alala, may welcoming committee ka na ng mga estudyante, guro, residente, at kung sinu-sino pang mga taga-Baguio sakaling personally mong i-oversee ang mass murder ng mga Pinus insularis at Alnus japonica. Excited silang makita ka, pramis.

Magsa-starbaks sana ko mamaya pampalamig ng ulo, ang init na kasi dito sa Baguio, saka masarap kasi ‘yung tagtu-tu handred na kape habang nanunuod ng mga pelikula ng MMFF na hanepshet sa special effects habang inuubuhan ako nung katabi kong nakaupo sa pasilyo, standing room only na kasi. Kaso naalala ko hindi nga pala ako pwedeng mag-libang kasi wala nga pala akong pera. Ang hirap naman kasi maghanap ng trabaho these days, gawa ng pinapatakbo na ng mga korporasyon at mga ganid na negosyante ‘yung job market. Mag-aapply na sana ako dun sa mall mo, kaso contractual lang daw ang mai-ooffer nila. Grabe naman toldudepare, akala ko friends na tayo? Ipinagkait mo na nga sakin ‘yung karapatan na uminom ng kapeng Benguet, na manood ng mga pelikulang may kabuluhan sa isang lugar na hindi ako makakasagap ng flu virus every five minutes, tapos pati matinong trabaho bawal na rin? Grabe ka. Bibili na nga lang ako ng overpriced na lamog na strawberries ‘dun sa entrance ng mall mo, tapos kakainin ko habang naglalakad sa Session Road, masarap kasing magmuni-muni doon habang sinisigawan ng mga Koreano at sinasabuyan ng simoy ng trapiko.

PS

Pakisabi nga pala kay Sam Milby na magdala ng amplifiers bukas. May programa kasi kami sa kalye, baka hindi siya marinig, nakakahiya naman.

Nai-post sa Pulitika at iba pang napapanahong shit, Pumutok na Taghiyawat | Tagged , , , , , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Trending

Umuugong pa rin sa ulo ko yung sinabi ni Pundit sa “Shake, Shaker, Shakest” (from Ser Bob Ong’s “Lumayo Ka Nga Sa Akin”):

May kapangyarihan na kayong kausapin ang mundo? Magaling! Ano ang sinabi ninyo? Bilis, ano ang sinabi ninyo?

Uso ang mag-post ng kung anu-anong mga shit, pero mas uso na yata ‘yung mga pa-self-righteous. Nakakatawa nga, dahil maski ang pwersa ng komersyo, ginagamit ang espiritu ng rebolusyon at pag-aalsa mula sa nakagawian para magbenta ng t-shirt, sapatos, at internet connection. At siguro, para ibenta na rin ang ideya na oo, nasa kabataan ang lakas, pero nasa kapitalista ang kapangyarihan.

Nai-post sa Dunong, Pulitika at iba pang napapanahong shit | Tagged , , , | 1 Puna